ni Raymund B Villanueva
Gustuhin ko mang magtakip ng tenga
magbusal ng tutule
lumabas ng kwarto
Hindi ko gagawin
Uupo ako rito
Kumpareng Raymond Manalo
Nanay Linda Cadapan
Makikinig muli sa inyong kwento
Ilang beses ko mang narinig na
Ang makapanindig balahibong salaysay
ng pagdukot
ng toryur
ng pambababoy
ng walang kapantay na kahayupan
Makikinig muli ako ng inyong mga kwento
Kasama niyo ako rito sa bulwagan
Katulad ninyong lalamig ang dugo
manghihina
magagalit
maiiyak
malulungkot ng pagkalalim-lalim
Ayaw
ayaw na ayaw kong marinig muli ang inyong mga kwento
ayaw ko na ngang pakinggan sa unang pagkakataon
Pero uupo pa rin ako rito
Makikinig
Ito ang aking ambag
pagkilala at paggalang
sa inyong dalamhati
sa inyong tapang
sa inyong kawalang-kapaguran
sa inyong mga sakripisyo
sa inyong magiting na anak, Nanay
sa iyong pagpaslang ng mga bangungot, Pare
Sige po
Nanay Linda
Pareng Raymond, tukayo
Habang di kayo napapagod
hindi tumitigil
Na magkwento
Makikinig ako.
--5:00 n.h.
20 Oktubre 2011
Palihang Graciano Lopez Jaena
Dalubhasaan ng Komunikasyong Pangmadla
Unibersidad ng Pilipinas
No comments:
Post a Comment