Wednesday, October 19, 2011

Dean Tolentino's welcome remarks to the participants of the 15th Lopez Jaena Community Journalism Workshop

Chancellor Caesar Saloma, mga Dekano Luis Teodoro at Georgina Encanto, Executive Director Malou Mangahas of PCIJ, fellows ng ika-15 Lopez Jaena Workshop para sa Komunidad na Pamamahayag, mga kasamahan sa Kolehiyo, mga kaibigan at bisita,

Malugod ko kayong binabati sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla at sa ika-15 Lopez Jaena Workshop.  Mahaba ang pinagdaanan para muling buhayin ang Lopez Jaena Workshop, nananatiling centerpiece na programa ang Workshop ng Kolehiyo para sa kanyang extension work.

Sa isang forum para sa akademikong gawain dito sa UP, may mga ofisyal na pumuna sa minumungkahing PhD Media Studies ng Kolehiyo.  Ang dahilan ng kanilang pag-aatubili ay nakaangkla sa katanungan, “Sa programa bang ito, bubuti na ang mapapanood sa telebisyon, mapapakinggan sa radyo, matutunghayan sa pelikulang Filipino?”  Ang mas mataray kong colleague ang sumagot, “Hindi naman inaasahan sa School of Economics na sa kanilang pag-aaral ay masolusyonan nila ang problema ng ekonomiya ng bansa, di ba?  Bakit may ganitong diin sa Masscomm?”

            May kumpiyansa ang Kolehiyo na solido ang kanyang mga programa.  Dalawa rito—ang Journalism at Communication Research—ay hinirang na mga “Center of Excellence” ng Commission on Higher Education.  Ang film program—ang kauna-unahan sa bansa—ay kabilang sa top ten film schools sa buong mundo, ayon sa trade publication na Hollywood Reporter.  Bukod sa skills at production courses, binabalanse rin sa mga programa ang teorya, kritisismo, kritikal na praktis, malikhaing pagpapahayag, ethics at batas ng media.  Bagamat ang blind spot ng mga programa, kasama ang Broadcast Communication, ay ang matibay na ugnay sa industriya, ang extension work ng Kolehiyo ang siyang inaasahang makaapekto sa mas malaking mundo ng media at media ng mundo labas sa Unibersidad.

            Kahapon, sa expectation check natin, binanggit ko ang aking interes para sa Kolehiyo, kung bakit kasama akong nagtataguyod ng revitalization ng Lopez Jaena Workshop:  para maisaalang-alang ng Kolehiyo ang napakahalagang extension work ng continuing education at best practices sa mga nasa frontline ng media sa bansa—ang community journalists.  Sa kalaunan, dapat itong maipaloob sa aktwal na kurikulum ng Kolehiyo, na hindi na lamang itaguyod ang interes sa staffing ng industriya ng media ang mga estudyante at graduate nito, kundi naihahanay ang community media bilang napakahalaga at napakalehitimong arena ng pakikisangkot ng UP Masscomm:  na kung hindi man lubos na mababago--malamang hanggang antas lamang ng profesyonalismo--ang mga media conglomorate, sa media sa hanay ng mga sa ibaba, ang rerebisahing kurikulum ay higit na nakakatugon sa pangangailangan ng ating mayorya’t disenfranchised na mamamayan.

            At itong extension work ang nais ko pang pagtibayin sa Kolehiyo.  Nauna nang sinuportahan ng administrasyon ng UP ang Gawad Plaridel para sa profesyonalismo ng isang media practitioner na nakakaangat—di nalalampasan—ng kanyang kahanay bilang paghahanap ng mga modelong maaring tularan ng estudyante ng media at komunikasyon di lamang sa UP kundi sa buong Filipinas.  Nagpapasalamat ako kay Chancellor Saloma sa pagkilala at suporta na muling pagtibayin itong naunang extension work ng Kolehiyo:  ang Lopez Jaena Workshop para sa Community Journalism na layong makapagbigay ng karagdagang skills, politikal na perspektiba at kritikal na praktis sa kritikal na ngang praktis ng journalism, lalo na ng community journalism, sa bansa.  Kaagad nakuha ni Chancellor Saloma ang pangangailangang suportahan ng UP Diliman ang frontliners ng media, ang movers sa ground level, ang nalalabing malawakang sityo ng empowerment ng mamamayan sa bansa.

            Inaasahan ko ring maitaguyod ng Kolehiyo ang isa pang extension work nito, ang kanyang Media Literacy program para sa mga guro sa lahat ng antas ng edukasyon para maapektuhan ng Kolehiyo at UP Diliman ang pagkakaroon ng kritikal na pag-unawa sa media at sa mga produkto ng media.  Sa mas matagalang yugto, ang planong maitaguyod ang Armando Malay Media Center na magsisinsin at higit pang magpapalawak ng mga programa sa extension work ng Kolehiyo para makatugon ito sa wish list ng mga nakasama ko sa isang akademikong forum:  ang pagbabago ng hubog, laman at kalakaran ng media batay sa pagpapalaganap ng best practices na malilikom at maipapalaganap ng Kolehiyo para sa empowerment ng ating mamamayan.

            Nananatiling peligroso ang profesyon at mga profesyonal ng media.  Di naman kaila ang pagpapatuloy ng kultura ng impunity na siyang patuloy na nagpapalaganap ng politikal na pagpaslang sa mga aktibista at peryodista.  Sa bisperas nga nitong revitalization ng Lopez Jaena Workshop, ilang beses na binaril ang Italianong paring si Fr. Fausto Tentorio na ang buong buhay nito ay inalay para sa pinakamahirap na mamamayan sa Arakan Valley, Cotobato at sa Mindanao.  Sa kanyang alaala, at sa iba pang nauna sa kanya, natin inaalay ang pagpapalakas ng Lopez Jaena Workshop.
            May di iilang pumuna sa tema ng workshop, “Human Rights and Justice” dahil napakarami na raw na ganitong workshops para sa community journalists.  Kung tunay ngang pinapalakas ang Lopez Jaena Workshop, dapat maglinya ang Workshop ng patuloy na napapanahong tema.  Marami na nga ang naunang mga workshop, pero higit na mas marami at malawak pa rin ang saklaw ng karahasan sa mamamahayag at mamamayan.  At kailangang ipagbunyi ang gawain sa pamamahayag ay gawain sa human rights at katarungan.  Dagdag pa rito, na napakahalaga ng papel ng media para sa gawaing human rights at katarungan sa bansang ito.

            Hindi simpleng workshop na skills tooling ang Lopez Jaena Workshop.  Ito ay skills at tooling sa buhay, pamamahayag at paano ba tunay na maging mamamahayag sa komunidad?  Nais kong pasalamatan ang Office of Extension at External Relations sa ilalim ni Prof. Arminda Santiago at URA Alex Tamayo sa pagtataguyod ng Lopez Jaena Workshop, at pagbibigay ng tahanan sa Kolehiyo para sa susunod pa nitong mga workshop.

            At sa huli, nais ko ring pasalamatan at batiin kayong mga community journalists, na sa pamamagitan ng buhay at profesyonalismo ninyo nagkakaroon ng halaga ang ginagawa at balak naming gawin sa Kolehiyo.  Mabuhay kayong naririto, angat din sa inyong mga kahanay.  Nawa’y dumami pa ang inyong hanay at lumawak pa ang larangan ng community journalism at media sa bansa.

           

No comments:

Post a Comment